Miyerkules, Hunyo 11, 2014

Ang Mga Sawi

Ang Mga Sawi

Si Kabesang Tales na anak ni Tandang Selo ay yumaman dahil sa tiyaga. Naghawan siya ng gubat na walang nagmamay-ari. Ginawa niya itong tubuhan na nang umunlad ay inangkin ng mga prayle. Pinabuwisan ito hanggang sa tumaas nang tumaas ang buwis na binabayad sa hindi na makaya pa ni Kabesang Tales.

“Ipagpalagay mong natalo ka sa sugal o kaya’y nahulog sa tubig at sinakmal ng buwaya”, ang sabi ni Tandang Selo.

Nang sumunod na taon, ginawang limampung piso ang dating talumpung pisong buwis, at ito ay binayaran ni Kabesang Tales nang walang kagalitan.

Muli sinabi ni Tandang Selo, “Ipagpalagay mong lumaki ang buwaya”

Hanggang sa umabot sa dalawangdaang piso ang buwis at hindi na nasiyahan si Kabesang Tales. Sinabi ng prayle na kapag hindi siya nakapagbayad ng buwis, iba na ang lilinang ng lupang yaon.

Sabi niya, “Tayong lahat ama ay uuwi sa lupa ay uuwi sa lupa at ipinanganak tayong walang baro.” Hindi na bumanggit si Tandang Selo ng tungkol sa buwaya.

Tinanuran ni Kabesang Tales ang kanyang bukid kaya pinagbawal ang baril, ang gulok, ang palakol o anumang maaari niyang magamit hanggang sa mahulog siya sa mga tulisan kaya kinakailangang isanla ni Huli ang kanyang hiyas liban sa isang locket o agnos na bigay sa kanya ni Basilio, ang kanyang katipan. Nais ni Huling matubos ang ama ngunit kulang ang kanyang salapi kaya nagpaalila siya kay Hermana Penchang.
Samantala, dumating na si Basilio sa San Diego at nakitang inililibot ang prusisyon ng Noche Buena sa mga lansangan. Nabalam sila ng ilang oras sa daan dahil sa nalimutan ng kutsero ang mga sedula nito at ito’y kinakailangang bugbugin muna ng mga guwardiya sibil.

Pagkaraan ng prusisyon, napuna naman ng mga sibil na walang ilaw ang parol ng karitela. Muli na namang naparusahan ang kawawang si Sinong kung kaya naglakad na lamang si Basilio. Nadaanan niya ang tanging masayang bahay ni Kapitan Basilio at doon nakita niya ang kura, alperes at si Simoun na nag-uusap. Nawika tuloy niya na “Ang lahat ay nakapaghahanapbuhay sa bayang ito, maliban sa amin”. Hanggang sa marating niya ang gubat, noche buena na noon, madilim kaya pilit niyang inaninaw ang libingan ng kanyang ina.

Ipinagdasal niya ang kaluluwa nito at naalala ang mga naganap labingtatlong taon na nakakalipas. Si Kapitan Tiyago ang nag-aruga sa binata, ginawang utusan at pinag-aral. Sa panahon ng kanyang pag-aaral, siya ay kinukutya dahil sa luma niyang kasuotan, ngunit sa kabila nito, nanatili siyang nagtiis. Nang siya ay inilipat ni Kapitan Tiyago sa Ateneo Municipal, palibhasa, galit ito sa mga prayle, mula ng magmongha si Maria Clara, malaki ang natutuhan ni Basilio. Ipinagmamalaki siya ng mga propesor, nakasulit at kumuha ng medisina.
Plano niya na pakasulan si Huli, pagkatapos ng pag-aaral.

Matapos ang maikling panalangin, pauwi na si Basilio nang may naaninag siyang anino. Kaagad niyang nakilala ang aninong ito. Ito ang taong tumulong sa kanya na ilibing ang kanyang ina. Di nagtagal, nag-alis ng salamin ang lalaking ito. Kaagad niyang nakilala na ito ay si Simoun. Doon niya naunawaan na si Simoun ay si Crisostomo Ibarra at si Crisostomo Ibarra ay si Simoun.

Matapos ang ilang saglit, nagpakita si Basilio kay Simoun upang matulungan niya ang mag-aalahas sa paghuhukay bilang pagtanaw ng utang na loob. Sa pagkakataong ito, tinutukan ni Simoun ng baril ang binata sapagkat alam niyang maaaring masira ang kanyang plano dahil sa lihim na nabunyag. Sa kanilang pag-uusap, nasabi ni Simoun na tulad mo Basilio, mayroon silang dapat na ipaghiganti sa pamahalaan at inamin niyang nagbalik niya sa Pilipinas bilang Simoun upang ibagsak ang pamahalaan.

Sa pag-uusap nina Simoun at Basilio, nasabi ng mag-aalahas na ang binabalak ng mga mag-aaral na magtayo ng paaralan ng Wikang Kastila at gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas ay magiging daan upang ang bayan ay maging bayang walang pagkukuro at walang kalayaan ngunit ayon kay Basilio, ito ay magbubuklod sa mga Pilipino na tinutulan naman ng kausap.

Nagpatuloy ang pag-uusap ng dalawa hanggang mawika ni Simoun na ang bayan ay hindi nangangailangan ng mahusay na manggagamot, kundi ang sakit ng bayan ang higit na nangangailangan ng kagamutan. Ayon sa kanya “Walang halaga ang buhay na di nauukol sa isang layuning dakila, parang isang bato sa linang sa halip na maging sangkap sa isang gusali”. Sinabi pa rin ni Simoun “Ang kadakilaan ng tao ay hindi magagawa sa
pagpapauna sa kanyang panahon kundi nasa pagtugon sa kanyang pangangailangan at hangarin sa pag-unlad.

Ang lahat ng pagpapaliwanag ni Simoun ay hindi pinuna ni Basilio sapagkat ayon sa kanya, “Lahat ng pagtatagumpay ng katuwiran, lahat ng paghihiganti sa daigdig ay hindi makabubuhay na muli, kahit sa isang buhok ng aking ina o makapagpapanariwa sa isang ngiti ng aking kapatid”, na sinagot naman ni Simoun na “Ang pagpapaumanhin ay hindi laging kabaitan ito’y isang kasamaang nag-udyok ng paniniil, walang mang-aalipin, doon sa walang mapaaalipin”. Para kay Basilio, wala siyang pakialam, basta hayaan na lamang siyang
makagawa, makapanggamot at mabuhay.

Matapos ang pag-uusap, pinagbawalan ni Simoun si Basilio hinggil sa pagbubunyag ng kanyang lihim at naiwan siyang nag-iisip sa saloobin ng binata, kung ito ay nakumbinsi niya na maghiganti ngunit naglihim lamang o sadyang wala na talagang hangad na maghiganti.

1 Mga Komento:

Sa Pebrero 1, 2022 nang 9:32 AM, Ayon kay Anonymous Hindi-nagpakilala...

Online casinos with Lucky Club - Lucky Club Live Casino
Lucky Club Online Casino is a new name in the iGaming space. The casino offers a wide range of games, including Roulette, Blackjack, Video Poker, Video luckyclub.live

 

Mag-post ng isang Komento

Mag-subscribe sa I-post ang Mga Komento [Atom]

<< Home