Linggo, Hulyo 6, 2014

WALANG PANGINOON

WALANG PANGINOON
ni Deogracias Rosario


Nang makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahi't saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasak sa mga butas ng kanyang tainga. Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahi't saan siya magsiksik, kahi't saan siya magtago, kahi't na anong gawin niyang pagpapasak sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.
"Tapos na ba?" Tapos... ang sunud-sunod namang itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.
"Ngunit, Marcos…" ang baling uli ng matandang babae sa anak. "Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iya'y nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una'y ang iyong ama, ikalawa'y ang kapatid mong panganay, ikatlo'y ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita." Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.
Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kaya't nanlabo pa't walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.
Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subali't sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.
"Dahil din sa kanila, lalung-lalo na kay Anita, ayaw kong marinig ang malungkot na tunog ng batingaw," ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.
Akala ng ina'y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka't hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya'y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana'y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.
"Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara," ang sabi ng ina. "Walang pagsalang masasayahan ka roon."
"Si Inang naman," ang naibulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili'y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa'y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni Inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, "disi'y hindi ako itataboy sa kasayahan."
Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka't mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating taglay ang utos ng hukumang sila'y pinaaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.
"Inang, matalim ba ang itak ko?" ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.
"Anak ko!" ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. "Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?"
Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.
Ang sabi'y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang maging bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya'y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.
Subali't nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinsabing kanila. Palibhasa'y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.
Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila'y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, ..:namespace prefix = st1 ns = "urn:schemas-microsoft-com:office:smarttags" />gaya ng takipan at talinduwa.
Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya'y namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagka't natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.
Saka ngayo'y paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?
Si Anita ay lihim na naging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.
Si Marcos ay natapos lamang ng katesismo sa iskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Nguni't gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagaka't sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahi't manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kaya'y salinwikang nito.
Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa'y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, "Ang lahat ng tao, kahi't hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay," tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang "Ang katapat ng langit ay pusalian." Dahil diyan kaya kahi't bahagya ay hindi siya nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.


At naiibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog ata sa pamamagitan ng langoy na hampas-tikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisiig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kaya't pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.
"Marcos, matagal na naman kitang iniibig," ang pagtatapat ni Anita sa binata, makaraan ang may ilang buwan buhat nang siya'y mailigtas.
Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.
Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.
Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti ng ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.
Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.
Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinaman na lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan, pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo'y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya'y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.
Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagong panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bago mamatay si Anita, akala niya'y maaari pa siyang makalunok ng bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa'y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.
"Huminahon ka anak ko," ang sabi ng kanyang ina. "Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo."
Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati'y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at panghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila'y magbungang mabuti? Saka ngayo'y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.

Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina'y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadalawa na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito, bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.
Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila'y magsasarili: "Tutungo sa hilaga at kukuha ng homestad. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya."
Kabalintunaan man ang sinabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa'y nababatid niyang sa dibdib ng binata ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggong gayon nang gayon ang ginagawa, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.
"Marcos," sabi ng matanda. "Dalawang lingo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?"
"Huwag ka pong mabahala, Inang," sabi ng mabait na anak. "Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan."
Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
"Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?" Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.
Maaaring magpakahinahon si Marcos, subali't ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit…
Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. "Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin." Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patung-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg na manok na unti-unting sinasakal hanggang makitil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.
"Kailangang maputol ang kalupitang ito!" Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.
"Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?" ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.
"Inihahanda ko po iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong," ang nakatawang sagot ng anak. "Kung tayo po'y nakaalis na rito, tayo'y magiging malaya," ang tila wala sa loob na tugon ng anak.
Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hanggahan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito'y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya'y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Santo Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.
"Salamat, anak ko, at dumating ka," ang sasabihin na lamang ng matanda. "Akala ko'y napahamak ka na."

Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa't isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.
Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka't bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol ang kalamnan ng sikmura ng matulis na sungay ng hayop. Pagkasikwat sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.
Ang katawan ni Don Teong ay halos lasug-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subali't ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo'y wala sa loob ang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.
Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa'y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.
Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minuto na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.
Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kaluluwa ng mga namatay, ang naisip niya'y ang matapang niyang kalabaw.
"Mapalad na hayop na walang panginoon," ang kanyang naibulong.


Miyerkules, Hunyo 11, 2014

Plop! Click!

Plop! Click!
Ni Dobu Kacchiri

Mga Tauhan:
KOTO
KIKUICHI
ISANG NAGDARAAN

KOTO : Isa akong Koto na nakatira sa pook na ito. Ngayon tatawagin ko si Kikuichi para konsultahin siya. Nariyan ba si Kikuichi?
KIKUICHI : Nariyan na!
KOTO : Nasaan ka?
KIKUICHI : Heto na ‘ko.
KOTO : May mahalaga akong kailangan sa iyo. Dahil matagal na rin naman akong hindi nakalalabas ng bahay, ang daming oras na nakabitin sa kamay ko. Gusto kong magbiyahe at nang makapagmasid naman ng mga tanawin. Ano sa tingin mo?
KIKUICHI : Sa totoo lang, imumungkahi ko nga sana sa iyo, Ekselenteng ideya.
KOTO : Ano pang hinihintay natin kung Ganoon. Maghanda ka ng sake.
KIKUICHI : Ngayon din, Nakahanda na ang bote ng sake.
KOTO : Umalis na tayo agad. Halika na!
KIKUICHI : Nakahanda na ako.
KOTO : Ano sa palagay mo? Nagtatawanan na siguro ang mga taong makita ang dalawang paris natin na namamasyal at nagmamasid sa mga tanawin. Pero ang pagbibiyahe sa bagong lugar ang nakapagpapagaan ng pakiramdam bukod pa sa kasayahang nalalasap mo.
KIKUICHI : Wala naman sa palagay kong mag-iisip na para tayong gago. Kaya, kapag nararamdaman mong gusto mong magbiyahe, dapat lang na ilang ulit tayong magbiyahe. Nakabubuti iyon sa inyo, Amo.
KOTO : Nasa labas na tayo ng nayon. Marahil nasa gitna tayo ng bukirin. Ang lungkot dito.
KIKUICHI : Nasa gitna nga tayo ng bukirin.
KOTO : Kapag nasa kapatagan ako, parang lumalawak ang aking puso at gumagaan ang pakiramdam ko.
KIKUICHI : Gaya ng sabi mo, kasiya-siya ang magbiyahe.
KOTO : Makinig ka! Noon ko pa gustong sabihin sa iyo na hindi sa habambuhay kana lamang umaawit ng mga maiikling awit o bumibigkas ng mga kuwento. Bakit di mo ensayuhin ang Labanan sa Heike, ang pamosong epiko?
KIKUICHI : Gusto ko nga sanang hingin ang tulong mo tungkol diyan. Masuwerte na lang at ikaw mismo ang nagbukas tungkol diyan. Kung maituturo mo sa akin ‘yan, tatanawin kong malaking utang-na-loob.
KOTO : Ituturo ko kung ganoon. Wala rin lang tao sa paligid, bibigkasin ko sa iyo ang isang berso.
KIKUICHI : Sadyang kay buti mo. Sige, makikinig ako.
KOTO : “Umabot sa krisis ang labanan sa Ichi no Tani, at nauwi sa isang malaking giyera. Natalo ang mga dakilang Hieke, at nagsisugod ang mga mandirigma ng Genji—silang sabik sa kabantugan. Parang mga trigong nagbagsakan sa harap ng mga armas-pandigma. Kalunus-lunos na pagdanak ng dugo! Walang katapusang kaguluhan! Putol ang baba ng ilan, at ang iba nama’y talampakan. Sa gitna ng nakakukuliling mga daing at pananangis, pilit pinaglalapat ang kanilang mga sugatang talampakan sa duguang baba, ang sugatang baba sa duguang talampakan. Ay, kahabaghabag na tanawin! Tatlo o apat na raang mga mandirigma ang nagkalat sa kapatagan!…”
KIKUICHI : Kagila-gilalas palang talaga ang epikong ‘yan. Nagagalak akong marinig.
KOTO : Halika’t pumunta tayo doon sa malayu-layo pa. Sumunod ka sa ‘kin!
KIKUICHI : Sige lang, sumusunod ako.
KOTO : Maraming bumibigkas ng Heike, pero wala akong alam na nakabibigkas ito nang mainam. Kaya kailangang pag-aralan mo itong mabuti.
KIKUICHI : Iinsayuhin ko itong mabuti, at inaasahan kong tuturuan mo akong muli.
KOTO : Sakali’t maitalaga ako sa posisyon ng “Kengyo”. Gagawin kitang isang “Koto”.
KIKUICHI : Napakabuti mo ngang talaga.
KOTO : Ano ‘yon? Nakakarinig ako ng alon ng tubig. Siguro’y malapit tayo sa dagat.
KIKUICHI : Oo nga, pakiramdam ko’y dagat nga ‘yon.
KOTO : Kailangan nating tawirin ito. Ano’ng dapat nating gawin?
KIKUICHI : Ano nga bang dapat nating gawin?
NAGDARAAN: (Sa mga manonood) Dito lang ako nakatira. Dahil sa may lalakarin ako sa kabila ng bundok, kailangan kong magmadali. Ano itong nakikita ko? Dalawang bulag ang nagbabalak lumusong sa dagat. Paano kaya nila magagawa ‘yon? Titigil muna ako rito at panonoorin sila pansumandali.
KOTO : Halika! Maghagis ka ng bato para matantiya natin ang lalim ng dagat.
KIKUICHI : Sige. Ayan, naghagis na ako. PLOP!
KOTO : Malalim doon.
KIKUICHI : Malalim na malalim doon.
KOTO : Subukan mo sa ibang direksyon.
KIKUICHI : Sige. Ayan, naghagis ulit ako. CLICK!
KOTO : Mababaw doon.
KIKUICHI : Mukha ngang mababaw doon.
KOTO : Kung gayon, lumakad na tayo nang painut-inot. Halika na!
KIKUICHI : Pero amo, teka muna sandali.
KOTO : Bakit?
KIKUICHI : Sandali, bubuhatin ko kayo.
KOTO : Naku, hindi na kailangan. Basta sumunod ka sa akin.
KIKUICHI : Pero kaya nga ako naririto para pagsilbihan kayo. Para na rin sa kabutihan ng aking kaluluwa. Hayaan niyo ng buhatin ko kayo.
KOTO : Hindi, huwag na. Dahil hindi ka rin nakakakita, baka maaksidente pa tayo. Maghawakan na lang tayo sa isa’t isa saka lumakad nang painut-inot.
KIKUICHI : Pero ito ang pagkakataon ko para makatulong sa inyo. Kailangang mabuhat ko kayo sa aking likuran.
KOTO : O sige, sige. Dahil mapilit ka, papayag akong buhatin mo ako. Pero kailangang maghanda na muna tayo. Ihanda mo na rin ang sarili mo.
KIKUICHI : Salamat, nakahanda na ako.
NAGDARAAN: Mautak ang mga bulag na ‘yon. Sinusubukan nila ang lalim ng dagat sa pamamagitan ng paghahagis ng bato. Masuwerte talaga akong aso. Ako ang magpapabuhat patawad sa dagat. (Papatong siya sa likod ni KIKUICHI)
KIKUICHI : Humawak kayong mabuti. Ngayon sisimulan ko nang magpainut-inot sa dagat. Sana naman hindi masyadong malalim. Ayan nakarating na ako sa kabila. Nagawa ko ito nang walang kahirap-hirap, at natutuwa ako’t wala ring disgrasya.
NAGDARAAN: (Sa mga manonood) Hindi ko inaasahan ang suwerteng ito. Tuwang-tuwa ako.
KOTO : Ano Kikuichi? Nakahanda ka na ba? Walang sumasagot? Hindi ko ito maintindihan. Ki-ku-i-chi! Na-sa-an ka?
KIKUICHI : Na-ri-to a-ko!
KOTO : Bakit di mo pa ako buhatin patawid?
KIKUICHI : Pero kabubuhat ko lang sa inyo.
KOTO : Kabubuhat lang sa akin? Pero naghahanda pa lang ako. Hindi mo pa ako nabubuhat. Ang hayop na ‘yon mag-isa palang tumawid.
KIKUICHI : (Magmamadaling tumawid sa pinanggalingan) Kailan kayo tumawid na mula rito amo?
KOTO : Kailan? Aba’t walanghiya ‘tong taong ito. Umaayaw na yata. Madali ka’t buhatin mo na ako agad.
KIKUICHI : Hindi ko maintindihan ito. Di bale, tatawid na lang uli ako. Kumapit na kayo sa likod ko.
KOTO : Huwag kang magalaw.
KIKUICHI : Lalakad na ako nang painut-inot. Mukhang napakalalim dito.
KOTO : Basta mag-iingat ka at huwag kang masyadong magalaw.
KIKUICHI : Opo, opo. Ang lalim naman nito! Naku, tulungan ninyo ako, saklolo!
NAGDARAAN: Nakakaaliw pagmasdan ang kawawang mga bulag!
KOTO : Nakakapanggalit itong nangyayari sa atin. Basang-basa na ako. Kaya nga ba tumanggi na akong pabuhat sa iyo noong una pa.
KIKUICHI : Ipagpaumanhin ninyo. Patutuyuin ko kayo. Talaga namang nag-iingat ako, pero natalisod ako. Patawarin ninyo ako.
KOTO : Nauunawaan kong aksidente ang nangyari, at wala tayong magagawa roon. May nangyari ba sa sake?
KIKUICHI : Ano’ng sabi n’yo? Ah, ang bote ng sake. Heto, hindi nadisgrasya.
KOTO : Giniginaw na ‘ko. Tagayan mo ako.
KIKUICHI : Sige po.
NAGDARAAN: Aba’t may isa pa pala akong suwerte. Ako’ng iinom noon.
KIKUICHI : Nagtatagay na po ako. Glug, glug!
KOTO : Tama na ‘yan. Mawawala rin ang ginaw ko pag nainom ko na ito.
KIKUICHI : Sigurado, amo.
NAGDARAAN: (Sa mga manonood) Ang sarap nito!
KOTO : Ano na, Kikuichi? Bakit di mo ako tinatagayan?
KIKUICHI : Pero, katatagay ko lang po’t binigay ko sa inyo.
KOTO : Iyon din ang aakala ko, pero wala ni isang patak ang baso ko.
KIKUICHI : Talagang hindi ko maintindihan ito. Magtatagay uli ako. Heto, pupunuin ko na ang baso.
KOTO : Sige, bilisan mo.
KIKUICHI : Eto na. Glug, glug!
NAGDARAAN: (Sa mga manonood) Aba’t may kasunod pa! Walang kasinsarap ang sakeng ito!
KOTO : Tama na ‘yan. Uminom ka rin nang kaunti.
KIKUICHI : Puwede po ba? Salamat sa kabaitan ninyo. Napakasarap ng sake, di po ba?
KOTO : O, bakit hindi mo pa ako tinatagayan?
KIKUICHI : Pero katatagay ko lamang po ng isang punong baso para sa inyo.
KOTO : Akala ko nga, pero ni isang patak, wala pa rin ang baso ko. Kamuhi-muhi kang tarantado ka. Ni isang patak di mo man lang ako pinatikim, kasi sinosolo mo’ng pag-inom.
KIKUICHI : Naku, hindi ganyang magsalita ang amo ko. Bakit ko naman sosolohin ito nang hindi inuuna ang amo ko? Mali ang akusasyon ninyo sa akin. Nakadalawa na po kayong tagay.
KOTO : Aba’t talaga bang ginagalit mo ‘ko? Hindi ka lang gago, dinadaya mo ‘ko at pinalalabas na iniinom ko’ng tinatagay mo nang di mo alam. Tagayan mo ako ulit.
KIKUICHI : Gusto ko po sana. Pero, ipagpaumanhin ninyo! Wala na pong natira.
KOTO : Ano? Ni isang patak wala nang natira?
NAGDARAAN: (Sa mga manonood) Talagang nakaaaliw ito. Pag-aawayin ko sila. Bang! Bang!
KOTO : Aray, array ko! Aba’t sobra na ito. Matapos mo akong gawan ng inumin. Ngayon naman may gana ka pang bugbugin ako.
KIKUICHI : Ano’ng sabi ninyo? Bugbugin?
KOTO : Sinaktan mo na ako, ulol!
KIKUICHI : Itinatabi ko lang po ang bote ng sake. Ni hindi nakaturo sa direksyon ninyo ang mga kamay ko.
KOTO : A, hindi pala? At sino pang mananakit sa akin, aber? Sino, sabi?
KIKUICHI : Aray, array ko po! Inaakusahan n’yo na nga ako ng kung anu-anong hindi ko naman ginagawa, ngayon naman sinasaktan n’yo pa ako. Bakit binubugbog ninyo ang isang walang kasalanang katulad ko?
KOTO : Aba’t ni hindi nga nakatutok sa iyo ang mga kamay ko.
KIKUICHI : Hindi nakatutok? Sino’ng nanakit sa kin? Magsalita kayo, sino pa?
KOTO : Aray, aray ko! Kikuichi, ano ba? Bakit mo ba ako sinasaktan?
KIKUICHI : Nasa binti ko ang mga kamay ko.
KOTO : Nasa binti mo? Kaninong mga kamay ang sumuntok sa akin?
KIKUICHI : Aray, tama na ! Huwag ninyong abusuhin ang inosenteng tulad ko, Amo.
KOTO : Ano? Abusuhin?
KIKUICHI : Ano pa nga bang ginagawa ninyo?
KOTO : Ni hindi nga dumadapo ang mga kamay ko sa iyo.
KIKUICHI : Di dumadapo? Kung gayo’y sinong nanununtok sa akin?
KOTO : Aray, ano ba?
KIKUICHI : Aray ko po, tama na!
NAGDARAAN: Nakakatuwa talaga ito. Paiikutin ko sila sa iba’t ibang pakana. Pero teka!
Aba’t tinutuluyan na nilang magsuntukan. Delikado na ang manatili pa rito.
Kailangang makaalis na ako habang may araw pa.
KOTO : Nauubos nang pasensiya ko. Hindi kita patatakasin lintik ka!
KIKUICHI : Bakit ako sinasaktan?
SILANG DALAWA: A-a-ray…
KIKUICHI : Ikinahihiya ko kayo Amo. Hawak ko na kayo ngayon. Nagpapanggap lang pala kayong mabait. Santo-santito!
KOTO : Huwag, sandali lang! Matapos mo akong bugbugin, tatakbuhan mo ako. Wala bang ibang tao rito? Hulihin n’yo siya, hulihin n’yo! Huwag n’yo siyang patatakasin!
---W A K A S---

Si Kesa at Morito

Si Kesa at Morito

Unang bahagi: Monologo ni Morito

Sa pagkakatingin sa buwan habang nag-iisip, naglalakad si Morito sa ibabaw ng mga lagas na
dahon sa makalabas ng bakod ng kanyang bahay:

Sumikat na ngayon ang buwan. Karaniwang hinihintay ko nang may pagkainip ang pagsikat ng buwan. Pero ngayong gabi, ang maliwanag na sikat ng buwan ay yanig at sumisindak sa akin.

Kinikilabutan akong isipin na ang gabing ito ay magwawakas sa aking kasalukuyang sarili at gagawin akong isang karumal-dumal na mamamatay-tao. Isipin na lang kapag ang mga kamay na ito’y namula sa dugo! Anong kasumpa-sumpang nilalang ang magiging tingin ko sa aking sarili kapag nagkaganoon! Ang puso ko’y di mababagbag sa sakit kung papatay ako ng isang kaaway na kinasusuklaman ko, pero ngayong gabi ay kailangan kong patayin ang isang lalaking hindi ko kinasusuklaman.

Matagal ko na siyang kilala. Kahit kamakailan ko lang nalaman ang kanyang pangalan, Wataru Saemonno-jo, mula’t sapul pa’y kilala ko na ang kanyang magandang mukha. Nang matuklasan ko na asawa siya ni Kesa, totoong sandali rin akong nag-apoy sa panibugho. Pero ngayon ang paninibugho ko’y napawi na, hindi nag-iwan ng anumang bakas sa aking isip o puso. Kaya para sa aking karibal sa pag-ibig, wala akong pagkamuhi o masamang hangarin. Manapa, mabuti ang isipin ko para sa kanya.

Nang sabihin sa akin ng tiya ko, si Komorogawa, kung paano niya pinagsikapan at pinagsakitang makuha ang puso ni Kesa, nakadama ako ng simpatya sa kanya. Naunawaan ko, na sa buong hangarin niya na mapangasawa ito, pinaghirapan pa niyang matutong sumulat ng tula. Hindi ko maisip na ang simple at nakakabagot na lalaking iyon ay sumusulat ng mga tula ng pag-ibig, at isang ngiti ang gumuguhit sa aking labi sa kabila ng damdamin ko. Hindi ito ngiti ng pag-uyam; naaantig ako sa pagkamasuyo ng isang lalaki na ginagawa ang lahat para makuha ang isang babae. Posible pa rin na ang kanyang masimbuyong pag-ibig ang nagtulak sa kanyang sambahin ang minamahal kong si Kesa ay nakapagdudulot sa akin ng kasiyahan.

Pero mahal ko ba talaga si Kesa? Ang aming pag-iibigan ay maaaring paghiwalayin sa dalawang baitang, ang nakaraan at ang kasalukuyan. Minahal ko siya bago siya ikinasal kay Wataru, o iyon ang aking palagay. Pero ngayong tumitingin ako sa aking puso, nakikita ko na marami akong motibo. Ano ang gusto ko sa kanya? Siya ang klase ng babaeng kinadaramahan ko ng mga hangaring makalaman kahit noong mga panahong ko’y wala pang bahid-dungis. Kung mapapahintulutan ang eksaheradong pahayag, ang pag-ibig ko sa kanya’y hindi hihigit pa sa isang sentimental na bersyon ng motibong nagtulak kay Adan sa piling ni Eba. Malinaw ito sa mga pag-aalinlangan ko na patuloy siyang mahalin kung sakaling ang aking hangarin ay natupad. Bagamat nanatili siya sa isip ko sa sumusunod na tatlong taon pagkaraang maputol ang aming ugnayan, hindi ko tiyakang masasabi na mahal ko siya. Sa kasunod na pakikipag-ugnayan ko sa kanya, ang pinakamalaking ipinagsisisi ko ay iyong hindi ko siya nakilala nang lubos. Pinarurusahan ng kawalang-kasiyahan, nahulog ako sa kasalukuyang relasyon, na gumigimbal sa akin, gayun man, alam kong mangyayari. Ngayo’y itinatanong kong muli sa aking sarili, “Mahal ko ba siyang talaga?”

Nang makita ko uli siya tatlong taon pagkaraan, sa pagdiriwang ng Watanabe, ginawa ko ang lahat ng paraan para makita siya nang patago. Sa huli’y nagtagumpay ako. Hindi lang ako nagtagumpay pagkakataong iyon, ang panghihinayang na di ko siya nakilala ng pisikal ay hindi ang tanging nangingibabaw sa akin. Nang maupo ako sa tabi niya sa nababanigang silid ng bahay ni Koromogawa, napansin ko na malaking bahagi ng aking panghihinayang ang naglaho na. Malamang na ang aking hangarin ay pinahina ng pangyayaring hindi na ako malinis. Pero ang pinakapangunahing dahilan ay hindi siya ang inaasahan kong magiging siya. Nang nakaupo kaming magkaharap, natuklasan ko na hindi siya ang imahen ng malabantayog na kagandahang binuo ko sa isip sa nakaraang tatlong taon.

Malayo siya sa idolong pinakaasam-asam ko sa aking puso. Ang kanyang mukha, na makapal na nakukulapulan ng matingkad na pulbos , ay pinaghaluan na ng malaking bahagi ng dating kasariwaan at makinis na panghalina. Sa ilalim ng mga mata niya’y nakahugis ang nangingitim na guhit. Ang tanging hindi nagbago sa kanya ay ang kanyang malilinaw, bilog, maiitim na mga mata. Nang makita ko siya sa bagong paninging ito, nagimbal ako, at sa kabila ng aking damdamin ay di ko napigilang iiwas ang aking mga mata.

Kung gayo’y paano ko nagawang makipagtalik sa isang babaeng napakanipis ng pagkakabigkis ko? Una’y itinulak ako ng kakatwang kagustuhan na mapangibabawan ang dating hangarin ng puso ko.

Sa pagkakaupong magkaharap, binigyan niya ako ng isang eksaheradong kwento ng kanyang pag-ibig sa kanyang asawa. Wala siyang iniwan kundi hungkag na alingawngaw sa aking tainga. “Mayroon siyang hambog na ideya tungkol sa kanyang asawa,” naisip ko. May hinala rin ako na maaaring ito’y tulak ng kanyang kagustuhang huwag nang pagningasin pa ang aking pagnanasa. Kasabay nito, patindi nang patindi ang dating hangarin kong ihantad ang kanyang kasinungalingan. Bakit itinuturing ko iyong kasinungalingan? Kung sasabihin ninyo sa akin, minamahal kong mambabasa, na ang sariling kayabangan ko ang nagtulak sa akin para maghinalang kasinungalingan ang kanyang pahayag, hindi ko maitatatwa ang inyong bintang. Ano’t anuman, pinaniniwalaan ko noon at pinaniniwalaan ko hanggang ngayon, na iyon ay kasinungalingan.

Pero hindi ang hangaring makapanlupig ang tanging ngumangatngat sa akin nang mga sandaling iyon. Pinamumulahan akong banggitin ito, pinangibabawaan ako ng pagnanasa. Hindi iyon basta panghihinayang lang na hindi ko nakilala ang kanyang katawan. Iyon ay hamak na pagnanasa mismo na ni hindi nangangailangan na ang kabilang panig ay maging ang babaeng iyon. Marahil ay walang lalaking umarkila ng babae sa bahay sa isang bahay-putahan na magiging mas hamak pa sa akin nang mga sandaling iyon.

Ano’t anuman, batay sa ganyang iba’t ibang motibo, nagkaroon ako ng relasyon kay Kesa. O, manapa inalisan ko siya ng dangal. Bilang pagbalik sa tanong na binitawan ko, hindi ko na kailangang itanong pa ngayon sa aking sarili kung mahal ko siya. Nang matapos ang lahat, sapilitang ibinangon ko siya sa aking mga bisig, ang babaeng ito na umiiyak na ibinagsak ang kanyang sarili. At nagmukha siyang mas walang dangal sa akin. Ang kanyang nakasabog na buhok at nagpapawis na katawan, ang lahat ay indikasyon ng kapangitan ng kanyang isip at katawan. Hindi kamaliang sabihin na simula nang araw na iyon, sa puso ko’y nagkaroon ako ng bagong pagkamuhi sa kanya. At ngayong gabi’y papatayin ko ang isang lalaking hindi ko kinamumuhian, para sa kapakanan ng babaeng hindi ko iniibig.

“Patayin natin si Wataru, bulong ko sa tainga ni Kesa. Baliw na nga ako para gawin ang napakagarapal na mungkahing iyon. Wala sa loob na inihiga ko sa tainga niya ang nakaraang hangarin ko na hamunin ng labanan si Wataru at pagwagian ang kanyang pag-ibig. Ano’t anuman, “Patayin natin si Wataru,” bulong ko, at tiyak na tiyak na bumulong ako nang nagtatagis ang mga ngipin, sa kabila ng aking damdamin. Kapag naaalala ko ngayon, hindi ko masasabi kung ano ang nag-udyok sa akin para gawin ang padalus-dalos na bagay na iyon. Ang tanging naiisip ko bilang paliwanag dito ay ginusto kong tagpian ang relasyon sa kasalukuyan, at habang tumitindi ang paghamak at pagkasuklam ko sa kanya, lalo kong kinaiinipan na mawasak ko ang kanyang dangal. Wala nang mas aangkop pa sa mga layuning ito kundi patayin ang asawang ipinangangalandakan niyang mahal niya, at makuha ang kanyang pagsang-ayon mula sa kanyang pagpapatumpik-tumpik. Kaya tulad sa isang lalaking binabangungot, nakapanaig ako sa kanya na maisakatuparan naming dalawa ang pagpatay na hindi ko gusto. Kung iyon ay hindi sapat para ipaliwanag ang aking motibo sa pagmumungkahing patayin si Wataru, wala nang paliwanag na sapat tangkain, maliban sa isang kapangyarihang banyaga sa mga mortal (marahil ay demonyo o diyablo) ang nagtataboy sa akin sa makasalanang daan. Nagpupumilit at paulit-ulit na ibinulong ko ang ganoo’t ganoon ding bagay sa tainga niya.

Sa huli’y nag-angat siya ng mukha at sinabi “Oo, dapat mo ngang patayin si Wataru.” Hindi lamang ako nasorpresa sa biglang pagsang-ayon niya, kundi nakakita ako ng mahiwagang kinang sa kanyang mga mata na hindi ko napansin noon. Taksil na babae, iyon ang naging tingin ko sa kanya.

Gumuhit sa nag-iinit na utak ko ang iglap na pagkabigo at paghihilakbot at oo, pagkasuklam. Kung maaari lang ay babawiin ko ang pangako ko noon din. Sa gayo’y mapangangalanan ko siyang mangaapid, at ang aking kunsensiya’y makapagkakanlong sa makatwirang pagngingitngit. Pero hindi ko nagawa. Inaamin ko, agad kung nakita na imposible iyon sa saglit na bigla siyang tumitig sa akin.

Nagbago na ang kanyang anyo, na para bang nakita niya ang laman ng aking puso. Nahulog ako sa malungkot na kalagayang pakikipagtipan para paslangin ang kanyang asawa dahil sa takot ko na paghigantihan niya ako kapag nabigo akong tuparin ang aking bahagi sa usapan. Ngayon, ang takot na ito’y mahigpit at matatag na dumaklot sa akin. Magtawa kayo kung ibig ninyo, sa aking karuwagan. Ito ang gawa ng isang hindi nakaaalam kung gaano kahamak ang kanyang kalaguyo. “Kapag hindi ko pinatay ang kanyang asawa, papatayin niya ako sa kahit na anong paraan. Kailangan kong patayin ang kanyang asawa at kung hindi’y papatayin niya ako,” desperadong naisip ko, sa pagkakatingin ko sa kanyang walang luha pero umiiyak na mga mata. Pagkatapos kong bitiwan ang aking pangako, hindi ba may nasilip akong ngiti sa kanyang bibig at dahil sa kasumpa-sumpang pangakong ito, idadagdag ko ang krimen na buktot na pagpaslang sa pinakamaitim na pusong maaaring maisip. Kung tatalikuran ko ang nakatakdang pakikipagtipan na magaganap ngayong gabi…. Hindi, ipinagbabawal iyon ng aking pangako. Lagpas ito sa kaya kong batahin. Isa pa, natatakot ako sa kanyang paghihiganti. Totoong-totoo ito. Pero may iba pang nag-uudyok sa akin na gawin iyon. Ano ito? Ano ang malaking kapangyarihang iyon na nagbubunsod sa akin, sa duwag na “ako,” para patayin ang isang inosenteng lalaki? Hindi ko masasabi. Hindi ko masasabi. Pero posibleng… Hindi, hindi maaari. Pinandidirihan ko siya. Kinatatakutan ko siya. Kinasusuklaman ko siya. Pero gayunpaman, maaari ring dahil mahal ko siya.

Si Morito, na patuloy sa paglalakad, ay hindi na nagsalita pa. ang pag-awit ng isang balada ay pumailanlang sa gabi. Ang isipan ng tao ay nasa dilim, walang ilaw na makapagbigay-liwanag. Nagsisindi ito ng apoy ng makamundong paghahangad, upang humayo at lumitaw, sa loob lang ng isang iglap.


Ikalawang Bahagi: Monologo ni Kesa

Gabi, sa ilalim ng isang lampara, nakatayo si Kesa, nakatalikod sa ilawan, nag-iisip nang malalim at kagat-kagat ang manggas ng kanyang kimono.

Darating ba siya o hindi, ewan ko. Imposibleng hindi. Lumulubog na ang buwan, pero walang marinig kahit isang yabag, kaya maaaring nagbago ang isip niya. Kapag hindi siya dumating… Araw-araw akong mabubuhay sa kahihiyan, tulad sa isang puta. Paano ako nalubog sa kahihiyan at kasamaan.

Mawawalan ako ng dangal at tatapak-tapakan na lang, sa pagkakabilad ng kahihiyan ko. Gayunman’y kakailanganin kong manahimik na parang pipi. Kapag nagkagayon ay dadalhin ko hanggang kabila ng libingan ang aking pagsisisi. Sigurado akong darating siya. Mula noong nakaraang araw, iyon ang aking pananalig. Natatakot siya sa akin.kinasusuklaman niya ako’t pinandidirihan, gayunpaman natatakot siya sa akin. Talaga, kung ang aasahan ko lang ay ang sarili ko, hindi ako makasisiguro sa kanya. Pero umaasa ako sa kanya. Umaasa ako sa kanyang pagkamakasarili. Umaasa ako sa buktot na takot na pinupukaw ng pagkamakasarili niya.

Pero ngayong hindi ko na magawang umasa sa sarili ko, napakahamak ko nang nilalang!

Hanggang noong tatlong taon na ang nakaraan ay may tiwala ako sa aking sarili, at higit sa lahat, sa aking kagandahan. Mas matapat kung sasabihin na “hanggang noong araw na iyon kaysa noong tatlong taon na ang nakararaan.” Noong araw na iyon nakita ko siya sa silid ng bahay ng aking tiya, isang sulyap sa kanyang mga mata at nakita ko ang aking kapangitan na nasasalamin sa kaniyang isip.

Kinausap niya ako nang masuyo at mapagmahal, na akala mo’y walang problema. Pero paano pa maaaliw ang puso ng isang babae sa sandaling matuklasan niya ang kapangitan ng kanyang pagkatao?

Nagimbal ako, nayanig, nagdalamhati. Di-hamak na mabuti pa ang nakasisindak na pagkabalisang dala ng paglalaho ng buwan na nakita ko sa aking kamusmusan sa mga bisig ng aking tagapag-alaga, kung ihahambing sa malamultong pagkalunos na nagpakulimlim sa isipan ko nang mga sandaling iyon.

Naglahong lahat ng pangarap at pangitain sa aking puso. Ang kalungkutan ng isang maunos na madaling-araw ay tahimik na bumalot sa akin. Ngatal sa kalungkutan, sa huli ay isinuko ko ang aking katawan, na para na ring patay, sa mga bisig ng lalaking hindi ko iniibig—sa mga bisig ng isang makamundong lalaki na nasusuklam at nandidiri sa akin. Hindi ko na ba makakaya ang aking kalungkutan mula nang buong linaw na maipamukha sa akin ang aking kapangitan? Sinikap ko bang mailibing ang lahat sa hibang na sandaling iyon na sumubsob ako sa kanyang dibdib? O itinutulak din ako ng kahiya-hiyang paghahangad lang na gaya rin niya? Maisip ko lang iyon ay nilulukob na ako ng kahihiyan! Kahihiyan! Lalo na noong ilayo ko na ang aking sarili sa kanyang mga bisig, hiyang-hiya ako.

Ang pagkainis at kalungkutan ay naghatid ng walang katapusang luha sa aking mga mata sa kabila ng pagsisikap ko na huwag umiyak. Hindi lamang ako nagdadalamhati sapagkat nawalan ako ng dangal, higit sa lahat ay nahihirapan ako’t nagdudurusa dahil ako’y pinandidirihan tulad sa isang asong ketongin na kinasusuklaman at pinarurusahan. Ano ang aking nagawa mula noon? Ang meron lang ako’y ang pinakamalabong alaala niyon na para bang isa iyong bagay sa malayong nakalipas.

Natatandaan ko lang ang kanyang mahabang tinig na bumubulong. “Patayin natin si Wataru,” at dumampi sa aking tainga ang kanyang bigote habang ako’y humihikbi. Pagkarinig sa mga salitang ito, kakatwang nakadama ako ng sigla. Oo, sumigla ako’t lumiwanag na tulad ng sinag ng buwan, kung ang sinag ng buwan ay matatawag na maliwanag. Bakit hindi, hindi ba ako inaliw ng mga salitang ito? Ay, hindi ba ako – hindi ba ang isang babae’y isang nilalang na nakadarama ng kaligayahan sa pag-ibig ng isang lalaki sukdulang patayin niya ang sarilil niyang asawa?

Nagpatuloy ako sa pagluha sa loob nang may malungkot at masiglang pakiramdam na tulad sa sinag ng buwan. Kailan ako nangakong makipagtulungan sa pagpaslang sa aking asawa?

Noon lamang pumasok sa isip ko ang aking asawa. Matapat kong sinasabing “noon lang”. hanggang sa mga oras na iyon, ang isip ko’y buong-buong nakatuon sa aking sarili at sa aking kahihiyan. Pagkaraa’y nakita ko ang larawan ng nakangiting mukha ng aking asawa. Malamang na nang sandaling maalala ko ang kanyang mukha gumuhit sa isip ko ang plano. Nang mga sandaling iyon ay disidido na akong mamatay, at ikinagagalak ko ang aking desisyon. Pero nang huminto na ako sa pagiyak, nang magtaas ako ng mukha, at tumingala sa kanyang mukha para matagpuan ang kapangitan kong nasasalamin doon, dama ko’y naglahong lahat ang aking kaligayahan.Ipinagunita nito sa akin ang kadiliman ng paglalaho ng buwan na nakita ko kasama ang aking tagapag-alaga. Iyon, tulad nang nangyari, ay iglap na nagpalaya sa lahat ng masamang ispiritung nagtatago sa ilalim ng aking kaligyahan, Dahil nga ba sa pagmamahal ko sa aking asawa kaya mamamatay ako para sa kanya? Hindi, kundi dahil lang sa resonableng pangangatwirang ito, ibig kong pagbayaran ang pagkakasala kong pakikipagtalik sa iba. Dahil walang tapang na magpakamatay, nasa akin ang buktot na hangaring makapag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao. Ang kabuktutan kong ito ay maaari na rin sigurong palampasin. Sa ilalim ng pagkukunwaring mamamatay ako sa aking asawa, hindi ba ako nagpaplanong ipinaghihiganti ang aking sarili laban sa pagkamuhi sa akin ng aking kalaguyo, sa kanyang pandidiri sa akin, sa kanyang buhong na pagnanasa? Pinatutunayan ito ng isang sulyap sa kanyang mukha na
pumawi ng mahiwagang kislap na tulad sa mapulang liwanag ng buwan, at nagpalamig sa aking puso sa matinding pagdadalamahti. Mamamatay ako, hindi sa aking asawa kundi para sa aking sarili.

Mamamatay ako, para parusahan ang aking kalaguyo sa pananakit niya sa sa aking puso at para sa aking hinanakit at pagdungis niya sa aking katawan. Ay, hindi lang ako walang karapatang mabuhay kundi wala ring karapatang mamatay.

Pero ngayo’y gaano kainam pang mamatay na lang kahit sa pinakakahiya-hiyang paraan, kaysa mabuhay. Nakangiti nang pilit, paulit-ulit kong ipinangako na papatayin namin ang aking asawa. Dahil matalas ang pakiramdam niya, marahil ay natunugan niya sa mga salita ko kung ano ang mangyayari kapag hindi niya tinupad ang kanyang pangako. Kaya mukhang imposible na pagkatapos niyang mangako ng ganoon ay aatrasan niya iyon. Tunog ba iyon ng hangin? Kapag naiisip ko na ang mga dinaramdam ko mula noong araw na iyon ay matatapos na sa wakas ngayong gabi, nakakahinga ako.

Tiyak na ang bukas ay maghuhunos ng kanyang malamig maliwanag sa aking katawang walang ulo. Kapag nakita iyon ng aking asawa, siya’y… hindi, hindi ko siya naiisip. Mahal ako ng aking asawa. Pero wala akong lakas gantihan ang kanyang pag-ibig. Isang lalaki lang ang maaari kong mahalin. At ang lalaking iyon ay darating ngayong gabi para patayin ako. Kahit ang gaserang ito’y napakaliwanag para sa akin, akong pinahihirapan ng aking mangingibig.

Hinipan ni Kesa ang ilawan. Hindi nagtagal at narinig ang mahinang tunog ng isang nabuksang
kandado, at bumaha sa loob ang mapulang sinag ng buwan.

Kay Estella Zeehandelaar (Mula sa mga liham ng isang Prinsesang Javanese)

Kay Estella Zeehandelaar
(Panitikang Indonesian)
Mula sa mga liham ng isang Prinsesang Javanese
Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Japara , Mayo 25, 1899

Ibig na ibig kong makakilala ng isang “babaeng moderno,” iyong babaeng malaya, nakakapagmamalaki’t makaaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kaligayahan kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.

Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga katutubo, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong Kanluran.

Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang aking sarili sa mga nagtatrabaho’t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europa; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaring suwayin. Balang araw maaring lumawig ang tali at kami’y pawalan, ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na henerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito nang buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan? Tuwirang sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon namin.Wala akong iniisip gabi’t araw kundi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon namin. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa kong iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumang tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong wasakin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin nang buong pagsuyo?

Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagong- silang na Europa ay nagtutulak sa aking maghangad ng mga pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon;” may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito sa akin para hangarin ang pagsasarili at kalayaan – isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.

Patuloy na lumalapit ang mga tinig na galing sa malalayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala nito ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat, sumibol hanggang sa lumakas at sumigla.Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo.

Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalaki at babae. Ang lolo kong Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kauna-unahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat – ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kaunlarang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo.

Karamihan sa mga pinsan ko’t nakakatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, ang pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan dito sa Java. Ang bunso sa tatlong nakakatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands, at naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa kahigpitan ng aming mga lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal ng aming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saanman, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanging lugar ng pagtuturong maipagmamalaki ng siyudad namin na bukas sa mga babae ang libreng grammar school ng mga European.

Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taong gulang, ako ay itinali sa bahay – kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipag-ugnayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong bandang huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang tinagal ko sa pagitan ng makakapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.

Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras.Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y ang pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito lamang ang nag-iisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang naging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapaligtas – ang Diwa ng Panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mag pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at ipinasok ang mga inanyayahang panauhin.

Sa wakas, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayring nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.

Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang Prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherlands), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang namin ang aming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinayagan kaming umalis sa bayan namin at pumunta sa siyudad na pinagdarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakilang tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulad namin ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo;” naging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya ang aming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako nasisiyahan. Lagi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makipamista, o maglibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong maging malaya upang makatayo nang mag-isa, mag-aral, hindi para mapailalim sa sinuman, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.

Ngunit dapat tayong mag-asawa, dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim; ito ang pinakamalaking kahihiyang maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kayang pamilya.

At ang pag-aasawa para sa amin, mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanya lang?

Ang Mga Sawi

Ang Mga Sawi

Si Kabesang Tales na anak ni Tandang Selo ay yumaman dahil sa tiyaga. Naghawan siya ng gubat na walang nagmamay-ari. Ginawa niya itong tubuhan na nang umunlad ay inangkin ng mga prayle. Pinabuwisan ito hanggang sa tumaas nang tumaas ang buwis na binabayad sa hindi na makaya pa ni Kabesang Tales.

“Ipagpalagay mong natalo ka sa sugal o kaya’y nahulog sa tubig at sinakmal ng buwaya”, ang sabi ni Tandang Selo.

Nang sumunod na taon, ginawang limampung piso ang dating talumpung pisong buwis, at ito ay binayaran ni Kabesang Tales nang walang kagalitan.

Muli sinabi ni Tandang Selo, “Ipagpalagay mong lumaki ang buwaya”

Hanggang sa umabot sa dalawangdaang piso ang buwis at hindi na nasiyahan si Kabesang Tales. Sinabi ng prayle na kapag hindi siya nakapagbayad ng buwis, iba na ang lilinang ng lupang yaon.

Sabi niya, “Tayong lahat ama ay uuwi sa lupa ay uuwi sa lupa at ipinanganak tayong walang baro.” Hindi na bumanggit si Tandang Selo ng tungkol sa buwaya.

Tinanuran ni Kabesang Tales ang kanyang bukid kaya pinagbawal ang baril, ang gulok, ang palakol o anumang maaari niyang magamit hanggang sa mahulog siya sa mga tulisan kaya kinakailangang isanla ni Huli ang kanyang hiyas liban sa isang locket o agnos na bigay sa kanya ni Basilio, ang kanyang katipan. Nais ni Huling matubos ang ama ngunit kulang ang kanyang salapi kaya nagpaalila siya kay Hermana Penchang.
Samantala, dumating na si Basilio sa San Diego at nakitang inililibot ang prusisyon ng Noche Buena sa mga lansangan. Nabalam sila ng ilang oras sa daan dahil sa nalimutan ng kutsero ang mga sedula nito at ito’y kinakailangang bugbugin muna ng mga guwardiya sibil.

Pagkaraan ng prusisyon, napuna naman ng mga sibil na walang ilaw ang parol ng karitela. Muli na namang naparusahan ang kawawang si Sinong kung kaya naglakad na lamang si Basilio. Nadaanan niya ang tanging masayang bahay ni Kapitan Basilio at doon nakita niya ang kura, alperes at si Simoun na nag-uusap. Nawika tuloy niya na “Ang lahat ay nakapaghahanapbuhay sa bayang ito, maliban sa amin”. Hanggang sa marating niya ang gubat, noche buena na noon, madilim kaya pilit niyang inaninaw ang libingan ng kanyang ina.

Ipinagdasal niya ang kaluluwa nito at naalala ang mga naganap labingtatlong taon na nakakalipas. Si Kapitan Tiyago ang nag-aruga sa binata, ginawang utusan at pinag-aral. Sa panahon ng kanyang pag-aaral, siya ay kinukutya dahil sa luma niyang kasuotan, ngunit sa kabila nito, nanatili siyang nagtiis. Nang siya ay inilipat ni Kapitan Tiyago sa Ateneo Municipal, palibhasa, galit ito sa mga prayle, mula ng magmongha si Maria Clara, malaki ang natutuhan ni Basilio. Ipinagmamalaki siya ng mga propesor, nakasulit at kumuha ng medisina.
Plano niya na pakasulan si Huli, pagkatapos ng pag-aaral.

Matapos ang maikling panalangin, pauwi na si Basilio nang may naaninag siyang anino. Kaagad niyang nakilala ang aninong ito. Ito ang taong tumulong sa kanya na ilibing ang kanyang ina. Di nagtagal, nag-alis ng salamin ang lalaking ito. Kaagad niyang nakilala na ito ay si Simoun. Doon niya naunawaan na si Simoun ay si Crisostomo Ibarra at si Crisostomo Ibarra ay si Simoun.

Matapos ang ilang saglit, nagpakita si Basilio kay Simoun upang matulungan niya ang mag-aalahas sa paghuhukay bilang pagtanaw ng utang na loob. Sa pagkakataong ito, tinutukan ni Simoun ng baril ang binata sapagkat alam niyang maaaring masira ang kanyang plano dahil sa lihim na nabunyag. Sa kanilang pag-uusap, nasabi ni Simoun na tulad mo Basilio, mayroon silang dapat na ipaghiganti sa pamahalaan at inamin niyang nagbalik niya sa Pilipinas bilang Simoun upang ibagsak ang pamahalaan.

Sa pag-uusap nina Simoun at Basilio, nasabi ng mag-aalahas na ang binabalak ng mga mag-aaral na magtayo ng paaralan ng Wikang Kastila at gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas ay magiging daan upang ang bayan ay maging bayang walang pagkukuro at walang kalayaan ngunit ayon kay Basilio, ito ay magbubuklod sa mga Pilipino na tinutulan naman ng kausap.

Nagpatuloy ang pag-uusap ng dalawa hanggang mawika ni Simoun na ang bayan ay hindi nangangailangan ng mahusay na manggagamot, kundi ang sakit ng bayan ang higit na nangangailangan ng kagamutan. Ayon sa kanya “Walang halaga ang buhay na di nauukol sa isang layuning dakila, parang isang bato sa linang sa halip na maging sangkap sa isang gusali”. Sinabi pa rin ni Simoun “Ang kadakilaan ng tao ay hindi magagawa sa
pagpapauna sa kanyang panahon kundi nasa pagtugon sa kanyang pangangailangan at hangarin sa pag-unlad.

Ang lahat ng pagpapaliwanag ni Simoun ay hindi pinuna ni Basilio sapagkat ayon sa kanya, “Lahat ng pagtatagumpay ng katuwiran, lahat ng paghihiganti sa daigdig ay hindi makabubuhay na muli, kahit sa isang buhok ng aking ina o makapagpapanariwa sa isang ngiti ng aking kapatid”, na sinagot naman ni Simoun na “Ang pagpapaumanhin ay hindi laging kabaitan ito’y isang kasamaang nag-udyok ng paniniil, walang mang-aalipin, doon sa walang mapaaalipin”. Para kay Basilio, wala siyang pakialam, basta hayaan na lamang siyang
makagawa, makapanggamot at mabuhay.

Matapos ang pag-uusap, pinagbawalan ni Simoun si Basilio hinggil sa pagbubunyag ng kanyang lihim at naiwan siyang nag-iisip sa saloobin ng binata, kung ito ay nakumbinsi niya na maghiganti ngunit naglihim lamang o sadyang wala na talagang hangad na maghiganti.

Ang Paglalakbay

Ang Paglalakbay

Isang umaga ng Disyembre, habang ang Bapor Tabo ay naglalakbay sa Ilog Pasig ay hirap na hirap sa pagsalunga sa mauli-uling agos nito. Ang bapor Tabo na may anyong mabigat at may karumihan ay ibig magpanggap na siya ay maputi, maharlika at pormal sa pagpupumilit niyang lumakad nang mabanayad. Itinuturing itong Daong ng Pamahalaan.
Sa ibabaw ng kubyerta ay makikita sina Donya Victorina, Don Custodio, Padre Salvi, Padre Sibyla, Padre Camorra, ang nangangalirang na si Padre Irene, Ben-Zayb, ang mag-aalahas na si Simoun at ang ibang makapangyarihan, mga mayayaman at kinikilala sa lipunan. Sa kanilang paglalakbay, pinag-uusapan nila ang tungkol sa pagtutuwid ng Ilog Pasig, habang sila ay dumaraan sa mga nahuhutok na kawayanan na nasa ibayong pampang. Sa bagay na ito, iminungkahi ni Simoun na nararapat lamang daw na magbukas ng isang tuwid na kanal mula sa pagpasok ng ilog hanggang sa papalabas na daanan sa Maynila, at upang makatipid ang pamahalaan, pagawin nang sapilitan ang mga bilanggo at kung kulang pa, pati mga bata, matatanda, lalaki at babae ay patrabahuhin din.
Tinutulan ito ni Don Custodio sapagkat ayon sa kanya, ito ay maaaring pagmulan ng paghihimagsik. Mag-alaga na lamang daw ng itik na siyang tinutulan naman ni Donya Victorina. Sa ilalim ng kubyerta ay naroon naman sina Isagani, Basilio, Kapitan Basilio na kasama ang mga maleta, bagahe, mga alagang manok at iba pa pang mga kalakal. Pinag-uusapan naman dito ang tungkol sa binabalak nilang pagtatayo ng Akademya ng Wikang Kastila na ang magtuturo’y kalahating Pilipino at kalahating Kastila at ang bahay na gagamitin ay kay Makaraeg, hanggang sa madako ang usapan kay Paulita Gomez at Donya Victorina, hanggang sa dumating si Simoun na nagsabing hindi pa niya nararating ang bayan nina Basilio sapagkat ang lalawigang ito ay mahirap at di makabibili ng alahas. Waring dinamdam ito ni Isagani kaya nagwikang hindi nila kailangan ang hiyas.
Habang nag-uusap, inanyayahan ni Simoun na uminom ng serbesa ang dalawang estudyante ngunit tumanggi ang dalawa. Nawika tuloy ni Simoun ang sinabi ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil palainom ito ng tubig at hindi serbesa. Kaagad itong sinagot ni Basilio na kung siya ay iinom ng tubig, sa halip na serbesa, sila ay magtatagumpay at walang maririnig na alingasngas at dinagdag pa ni Isagani na ang tubig ay matabang at naiinom, ngunit nakapapawi ng alak at serbesa at pumapatay ng apoy, kapag pinainit ay nagiging singaw, kapag pinagalit ay nagiging dagat na malawak at minsang nagwasak ng sangkatauhan at nagpayanig sa buong daigdig.
Lihim na humanga si Simoun at natigil ang usapan nang dumating ang isang utusan upang tawagin si Isagani. Siya ay pinatawag ni Padre Florentino . Di umano, ang paring ito ay anak ng mayamang angkan na nagpari dahil sa pangako sa kanyang ina, kahit na siya ay may kasintahan.Si Isagani ay inaruga niya na ayon sa ibang matatabil ang dila ay anak niya sa dating katipan nang ito ay mabalo, at ayon sa iba ay anak ng isang pinsan niyang babae sa Maynila.
Nang pumunta si Padre Florentino sa itaas ng kubyerta, ay tapos na ang mainit na pagtatalo. Siya ring sungaw ni Simoun na ayon sa kanya, kung wala raw alamat ay walang kwenta sa kanya ang alinmang pook. Sa pagkakataong ito, isinalaysay ng kapitan ang alamat ng Malapad na Bato, na ayon sa kwento ay pinamumugaran ng tulisan. Nabanggit din ang alamat ni Donya Geronima na alam na alam ni Padre Florentino. May isang estudyanteng nangakong pakakasal sa kanyang iniibig na dalaga ngunit di natupad ang pangako. Ang dalaga ay nanatiling naghintay hanggang sa siya aytumanda na. Nabalitaan nito na arsobispo na pala ito sa Maynila. Pinuntahan ng dalaga ang arsobispo upang tuparin nito ang naturang pangako. Inihanda ng arsobispo ang kweba at doon niya pinatira ang matandang dalaga hanggang sa ito ay namatay at doon na rin inilibing. Nabanggit ni Simoun kay Padre Salvi na higit na mainam kung si Donya Geronima ay inilagay sa beateryo tulad ng Sta. Clara.
Upang mabago ang usapan, naikwento ang alamat ni San Nicholas na nagligtas sa isang intsik sa mga buwayang naging bato nang magdasal ang nasabing intsik.
Sa mga sandaling yaon, dumaraan na sila sa Makiling na napuputungan ng maputing ulap at sa kaliwa nama’y makikita ang pulo ng Talim at ang Susong Dalaga na may anyong nakalimbutod na pinagkunan ng kanyang pangalan. Sa bahaging ito, tinanong ni Ben-Zayb kung saan binaril si Crisostomo Ibarra labintatlong taon na ang nakalilipas na agad namang itinuro ng kapitan. Diumano di raw nakita ang bangkay ng binata kaya iyon ang pinakamurang libing. Namutla si Simoun na ipinalagay ng kapitan na ito ay nahihilo dahil sa paglalakbay.

Biyernes, Hunyo 6, 2014

Liham Pangangalakal

Liham Pangangalakal: Liham Pag-aaplay

Liham sa patnugot- layunin ng liham sa patnugot ay makapagmungkahi ng mga bagay na makapagpapabuti sa mga pamamalakad, kilusan, patakaran o kalagayan ng iba’t ibang larangan ng buhay maging ito’y pampamahalaan, panlipunan, pampaaralan, pansining o pang-agham. Kung minsan, sumasalungat o tumutuligsa sa isa o ilang bahagi ng isang isyu na sa palagay ng sumulat ay labag sa kapalaran ng maraming mamamayan. May mga pagkakataong nag-aanyo ito na papuri o dumadakila sa magigiting na lidersibiko,
pinuno ng pamahalaan, mga manunulat, pintor at iba pang alagad ng sining.

Liham-kahilingan- ang intensyon ng ganitong uri ng liham ay magpahayag ng isang tiyak na kahilingan. Nakasaad dito nang malinaw kung ano ang hinihiling at kung bakit ito hinihiling. Kailangan ding banggitin ang posibleng maging bunga kung ipagkakaloob ng sinulatan ang kahilingan ng sumulat.

Lihim-subskripsyon- ang liham na ito’y ipinadadala sa mga tanggapan ng mga pahayagan, magasin at komiks. Humihingi ito na padalhan ang lumiham ng babasahing lilimbag ng isang publikasyon sa loob ng panahong hinihiling niya na babayaran ayon sa itinakda ng publikasyon.

Liham-pag-aaplay- intensyon ng ganitong uri ng liham na makapasok sa trabahong nais aplayan. Dapat na maging maayos ang pagkakasulat nito dahil ito ay nag-iiwan ng magandang impresyon na nagnanais maglingkod.

Liham-pagtatanong- ang ganitong uri ng liham ay may intensyong maglinaw ng mga tiyak na impormasyon mula sa mga eksperto. Bahagi ng paglilinaw na gagawin ang paghingi ng mga kaukulang dokumento sa ikalilinaw ng isyung tinatanong.

Liham-pahintulot- ang intensyon ng ganitong uri ng liham ay magpahayag ng isang tiyak na kahilingan. Nakasaad dito nang malinaw kung ano ang hinihiling at kung bakit ito hinihiling. Kailangan ding banggitin ang posibleng maging bunga kung ipagkakaloob ng sinulatan ang kahilingan ng sinulatan.

Liham-paanyaya sa isang panauhin- ang mga impormasyong dapat taglayin ng liham na ito ay matapat, malinaw at maayos upang maging handa ang inaanyayang panauhin.

Liham sa puno ng barangay- ang liham na ito’y matapat, magalang at maayos na isinusulat. Ito’y maaaring humingi ng tulong, naglalahad ng suliranin, nangangailangan ng aksyon, nagpapasalamat o bumabati sa nagawang tulong ng lider.